Wednesday, December 10, 2003

Fr. Al - Servant Of God na!

Pormal ng idineklarang "Servant of God" si Msgr. Aloysius Schwartz (mas sanay akong twagain syang Fr. Al) ng Simbahang Katoliko kaninang umaga sa Manila Cathedral sa pangunguna ni Arsobispo Gaudencio B. Rosales. Ito ang unang hakbang sa proseso ng pag-iimbestiga kung nararapat na ang isang kandidato ay ideklarang isang Santo. Ang pagtitipong ito ay dinaluhan ng maraming bisita mula sa iba't ibang bansa, mga estudyante at alumni ng The Sisters of Mary School, mga madre at pari mula sa iba't ibang kongregasyon at ilang mga pulitiko.

Bago nagsimula ang misa ay nagkaroon muna ng isang video presentation tungkol sa buhay ni Fr. Al. Hindi ko napigilang pumatak ang aking luha ng ipakita ang video ng araw ng kanyang libing. Nang araw na iyon ay isa ako sa mga estudyanteng nakahilerang sumalubong sa kanyang mga labi. Nandon din ako ng sabay sabay naming awitin ang kantang Oh My Papa, isa sa mga paboritong awitin ni Fr. Al. Isa siyang tunay na Tagapaglingkod ng Diyos at naniniwala akong ang kanyang mga gawain ay naayon sa kagustuhan ng Panginoong Diyos. Kaya nga't ganun na lamang ang pagkasuklam ko ng sabihin ni GMA na ang kanya raw pagtakbong muli bilang Pangulo ay naaayon sa kagustuhan ng Diyos. Ni anino ng kabutihang loob ni Fr. Al ay di ko makita sa mataray na si Gloria!


Si Fr. Al ay ang itinuturing kong pangalawang Tatay, ang taong naging tulay upang makita ko ang liwanag. Siya ang nagtatag ng The Sisters Of Mary School (SMS), na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga mahihirap na kabataan. Ang pondong ginagamit upang ito ay maisakatuparan ay nanggagaling lamang sa mga donasyon mula sa iba't ibang tao mula sa iba't ibang bansa. Sa kasalukuyan ay may apat na kampus na ang SMS sa Pilipinas - Sta. Mesa Manila, Silang Cavite, Minglanilla at Talisay Cebu.

Kayo rin ay maaaring makatulong upang maipagpatuloy ang kanyang nasimulang gawain sa pamamagitan ng inyong donasyon gaano man ito kaliit. Maari ninyong ideposito ang inyong donasyon (tax-deductible) sa UCPB Savings Account No: 167-000716-1 na nakapangalan sa Fr. Al's Children Foundation, Inc. sa alinmang sangay ng UCPB. Pwede rin kayong pumunta sa alinmang kampus ng SMS upang mas makita ninyo kung sa paanong paraan kayo pwede makatulong.

No comments:

Post a Comment