Thursday, June 10, 2004

Si Lolo, ang Kongreso at si Lola

Kaninang umaga, isang Lolo ang nakita naming natumba habang naglalakad sa labas ng aming opisina. Agad siyang sinaklolohan ni manong guard at ng ilang kaopisina. Bahagyang nagasgasan ang kanyang ulo.

Nahilo pala dahil sa gutom si Lolo. Hindi daw siya kumain kahapon. Kagyat na may bumili ng makakain para kay lolo. At habang kumakain ay patuloy siyang nagkwento.

Galing si lolo sa isang Evacuation Center sa Zambales. Diumano'y biktima sila ng lahar. Desperado, lumuwas siya ng Mayanila para pumunta sa Malakanyang at makahingi ng tulong. Pero bigo si lolo. Naglakad-lakad siya hanggang sa makarating sa Luneta, kung saan siya nagpalipas ng gabi. At kinaumagaha'y patuloy na naglakad ng walang direksyon. Sinubukan nyang makiusap na magtrabaho doon sa nadaanan nyang umpukan ng mga construction workers na gumagawa ng foot bridge sa may Roxas Blvd, makakuha man lang daw ng pamasahe pauwi. Bigo si Lolo. Hanggang sa nakarating siya dito sa lugar namin at inabutan nga ng pagkahilo.

Parang gusto ko rin maiyak kanina nung makita kong umiiyak si lolo habang nagpapasalamat dahil sa pagkain at sa kaunting perang ibinigay sa kanya. Totoo kaya ang sinasabi ni Lolo? Marami na rin kasi ang manloloko ngayon eh. Pero si Lolo, hindi ko inisip na nanloloko lang. Nakakaawa talaga sya.

Habang ang mga kapangyarihan sa ating lipunan ay parang mga asong nag-aagawan ng buto sa loob ng kongreso, may isang lolo na naglalakad ng walang direksyon, naghahanap ng makakakain at pamasahe pabalik sa Zambales. Samantala, narinig ko kaninang umaga sa radyo ang tungkol sa isang Lola na diumano'y nagpapagawa na ng kanyang isusuot para sa June 30. Ang lufffet!

No comments:

Post a Comment