Kagagaling ko lang Ayala. Sumama ako sa demonstrasyon laban kay GMA. Medyo pagod kaya mamaya ng kaunti ay matutulog na rin ako. Maaga pa ako bukas gigising at kailangang maaga ako makarating sa opisina. Pero alam mo, walang kwenta ang pagod na iyon kahit na kabobohan ang tawag ng ilan sa pagsama sa mga demonstrasyon laban sa korapsyon.
Bakit kailangan kong sumama?
Sabi ng isang pilosopo, para daw magtagumpay ang kasamaan, ang kailangan lang naman ay walang gawin ang mabubuting tao.
At sa gitna ng talamak na korapsyon, pagnanakaw, panunupil at panloloko ng gobyerno ni Arroyo, hindi tama na magsawalang kibo ang mga may malasakit sa bayan.
Sobra na. Tama na. Dapat ay kumilos na!
Maraming nagsusulputang argumento, ideya at propaganda na naglalayong pigilan ang marami sa pagsama sa mga demonstrasyon laban sa kasalukuyang paraan.
Sisikapin kong ipaliwanag sa'yo kung gaano kabaluktot, palasuko at mapanlinlang ang mga ito:
Ang pagpapatalsik daw kay Arroyo ay hindi makakalutas sa korapsyon.
Una muna, wala naman yatang nagsasabi na malulutas ang korapsyon kapag napatalsik si Arroyo. Ang korapsyon kahit saan man silipin ay masama at dapat ilantad, tutulan at tugunan ng kaukulang parusa.
Mahirap nga sigurong masugpo ang korapsyon pero hindi naman ito sapat na dahilan para pabayaan na lamang. Pero ang bansagang bobo ang mga tutol sa korapsyon at nagpapahayag ng saloobin dito ay mas malaking kahangalan.
Bakit daw hindi na lang daanin sa legal na proseso?
Ang sama-samang pagkilos ng mamamayang tutol sa korapsyon ay nangangahulugan bang hindi legal? Pakatandaan na si Gloria ay napunta sa poder, nakakalungkot man, ay bunga rin ng pagkilos ng mamamayan. Gayundin naman ang pagpapatalsik sa diktador na si Marcos.
Sinubukan naman sanang idaan sa proseso sa kongreso ang impeachment laban kay Gloria. Subalit sadyang makakapal ang mukha ng mga buwaya sa kongreso at pinaglalaruan lamang ang prosesong ito. May mga nagsasabi pang hintayin na lang daw ang halalan sa 2010 kung gusto nilang maging pangulo.
Bagama't sa isang banda ay lumalabas na awayan lang naman ito ng mga naghaharing uri, hindi naman binabago nito ang katotohanang sa awayang ito ay lubos na naaapektuhan ang mga ordinaryong mamamayan. At sa ganitong kalagayan ay tama bang manahimik na lamang?
Pagod na raw ang mamamayan sa People Power
Sawa na raw ang mga tao sa rally. Pero sa aking palagay, mas nasusuka na ang mamamayan sa korapsyon at katiwalaan sa pamahalaan. Siguro ay mas angkop pang sabihin na sawa na ang mamamayan sa paulit-ulit na korapsyon ng kahit sinong maluklok sa pwesto. Pero hindi sa rally. Malaking bilang ang sumama kanina at mas malaki pa ang inaasahan sa mga darating pang mga araw.
Hindi naman talaga solusyon ang pagpapalit lang ng pangulo. Sana ay may short cut para malutas ang problema sa ating lipunan. Pero wala. Subalit pasasaan ba't ang unti-unting pagkamulat ng mga mamamayan ay siya ring magtutulak para sa isang makahulugang pagbabago. Sa ngayon, ay mas mainam na ituon ang pwersa sa mga kayang gawin.
Sumama ako sa mga ganitong pagkilos dahil layunin kong tumulong upang maipaghanda ka ng isang magandang bukas, gaya ng naipangako nang ikaw ay isilang.
O paano, napahaba yata ang sulat ko. Naiinip na kasi ako sa paglaki mo para makapagtalakayan na tayo. Kaya nga sa ngayon ay iniipon ko muna ang mga nais kong sabihin sayo.
O sya, matutulog na ako.
I love you.
Daddy Apol
No comments:
Post a Comment