Thursday, July 22, 2021

Life is unfair

Inimbitahan ako ni Sister Mylene na magbigay daw ng keynote speech sa graduation ceremony sa Sisters of Mary - Adlas Campus noong July 8, 2021. Walang-wala na siguro maimbitahan na available kaya pingatyagaan na lang ako. Hehe! Tinanggap ko syempre kahit na may pag aalinlangan pa sa aking sarili kung ako nga ba ay nararapat. Here's what I told the graduates.




Life is Unfair

Magandang araw po sa inyong lahat. Maalab na pagbati sa ating Graduating Class of 2021. Masaya po ako na maging kabahagi sa mahalagang okasyong ito. I am humbled and grateful for the invitation, maraming salamat po Sister Mylene.

Meron lamang akong limang minuto ngayon para magbahagi ng mensahe na sana ay maging pabaon ko sa inyong pagtatapos. Having said that, I will keep it short and direct.

Minsan po ba ay sumagi rin sa isip nyo yung sinasabi nilang Life is unfair? Halimbawa ay gaya ninyo, napakaswerte ninyo dahil nabigyan kayo ng pagkakataong makapag-aral ng libre. Pero pwedeng sabihin ng iba na unfair naman kasi sila ay hindi. In the same manner, meron tayong mga kakilala na hindi kinailangang mawalay sa kanilang mga pamilya para lamang makapagtapos ng high school, di po ba? Pero bakit kailangan natin iyong pagdaanan at sila ay hindi? Unfair, di po ba? Maraming teorya kung bakit hindi patas ang buhay pero hindi iyon ang gusto kong ibahagi sa inyo ngayon.

Ang mahalaga ay matanggap natin nang mas maaga na may mga bagay talaga na wala tayong kontrol, gustuhin man natin. Wala tayong kontrol sa gagawin at sasabihin ng ibang tao. Pero may kontrol tayo sa mga salitang lalabas mula sa mga bibig natin at sa ating magiging mga gawi. Gaya sa pagtitimon sa bangka, wala rin tayong kontrol sa ihip at direksyon ng hangin. Ang mahalaga ay alam at tanggap natin ito para wasto ang mga magiging desisyon natin. Tayo pa rin kasi ang nagtitimon sa direksyon ng buhay natin. To illustrate my point, Let me tell you a little bit about my life's story.

Hindi ko pa rin naman masabi na ako ay matagumpay na dahil iba't-iba naman ang kahulugan nito. Pero kumpara sa buhay ko noon bago ako nakapasok sa Sisters of Mary School, masasabi kong malaki na ang ipinagbago nito. Bago ako nakarating sa kung anumang meron ako ngayon, dumaan din ako sa hirap at maraming pagsubok.

I was only 9 years old when my father died. Pangalawa ako sa aming tatlong magkakapatid. Karpentero ang tatay ko at nang sya ay mawala, kami ay talagang walang-wala din. Pinag-usapan nga noon ng mga kapatid ng Tatay ko ang planong pag-ampon ng isa sa aming magkakapatid para daw maging maayos ang buhay namin. Pero hindi pumayag ang aking Inay. Elementary graduate lamang ang Inay at tanging paglalabada lamang nya ang ikinabubuhay namin noon. Sinikap nya kaming buhayin nang sama-sama. Namasukan din sya bilang kasambahay, nagtrabaho sa factory at nagtinda ng kung anu-anong paninda para may dagdag na kita. Pero kahit anong sipag at pagsisikap ng Inay noon, sadyang hindi sapat ang kinikita nya para sa amin. Ang mga damit at sapatos namin noon ay karaniwang mga pinaglumaan lang ng aking mga pinsan na ang pamilya ay may kaya. Bihira kami magkaroon ng bagong damit. Kinakabahan ako tuwing may babayaran sa school kasi malamang ay pinakahuli na naman akong magbabayad, depende kung may mauutangan kagad. Ang white polo nga na ginamit ko noon sa elementary graduation ay mula sa puting blusa ng ate ko, tinahi lang ng Inay para may maisuot ako. Nahihiya ako noon kasi kakaiba yung polo ko sa lahat. 

Life is unfair, indeed. Pero hindi ko sya ginawang excuse. I refused to accept that our life will be forever like that. Kaya napakalaki ng pasasalamat ko sa Sisters of Mary School dahil nabigyan ako ng pagkakataong baguhin ang aming buhay.

Napakaswerte po ninyong mga magsisipagtapos ngayon dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon gaya ninyo. Huwag ninyong sayangin ang pambihirang pagkakataong meron kayo ngayon. Wala kayong kontrol sa kung paano kayo nagsimula dito sa mundo, pero nasa kamay ninyo ngayon ang pagpapasya kung saan kayo tutungo.

Ang pagtatapos nyo ngayon ay simula lamang ng panibagong pakikibaka sa buhay. Set your goals high. Marami kayong haharaping pagsubok kaya kailangang malinaw ang inyong layunin at hangarin sa buhay.k Huwag nyo pag-asayahan ng oras ang mga bagay na wala naman kayong kontol.

Piliin ninyong maging mabuti kahit hindi patas ang mundo. Huwag lang kayong makakalimot sa mga turo at sakripisyo ng mga Nanay natin sa Sisters of Mary at syempre pa ay sa mga pangaral at aral mula sa buhay ni Fr. AL, nakatitiyak akong hindi kayo maliligaw.

And whenever you are able, please don't forget to go back in order to pay it forward. Marami pang katulad nating galing sa hirap ang pwede nating pagtulung-tulungan upang mabigyan din ng pagkakataong meron kayo ngayon.

Congratulations, my dear brothers!

Apol Apuntar
ASMSI Batch 1993
President and CEO, Proactive Immigration Advisers Corp

No comments:

Post a Comment