Saturday, September 27, 2003

Pagpupugay sa apat na martir!

Noong Sept 22, 2003, apat na bangkay ng kabataan na kinilalang sina Jonathan Benaro, Marjorie Reynoso, Lito Doydoy at Ramon Regase ang natagpuan sa Compostela Valley. Ang mga bangkay ay may mga saksak at bakas na dumanas ng tortyur. Sila ay mga taga Davao City na kasapi at lider ng Anakabayan, Anak ng Bayan Youth Party at Sanguniang Kabataan. Hinihinalang ang krimeng ito ay kagagawan ng mga ahente ng Military Intelligence Group. Tiyak na lilipas ang maraming taon, subalit ang may kagagawan nito ay malabong maparusahan. Ito kaya ay bunga rin ng mensahe mula sa diyos ni Gloria?

Ilang kabataan pa kaya ang kailangang magbuwis ng buhay upang ganap na makamtan ang tunay na kalayaan at demokrasya, na siyang sasagot sa hinaing ng aping sambayanan?

Maaaring kitilin ng raeksyonaryong gobyerno ang buhay ng lahat ng militanteng kabataan, subalit ang alab ng paglaban at pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya ay mamamatay kailanman.

Pagpupugay sa apat na martir ng sambayanan!


Friday, September 26, 2003

Daing at panaghoy

Ang araw na ito ay bisperas ng maaari kong ituring na madilim na sabado ng aking buhay. balisa, takot at pangamba ang syang aking nararamdaman habang papalapit ang araw na ito. marahil ay ito ang magiging mitsa ng katapusan ng isang panaginip. maaari din naman na ito ang maging tulay para sa panibagong kabanata ng aandap andap na panaginip.

Samantala, hindi naging maganda ang simula ng araw na ito sapagkat muli ay di ko nagawang tulungang alisin ang gapos sa kamay ng isang taong malapit sa akin. Gustuhin ko man ay di ko magawa sapagkat mistulan akong paralisado bunga ng pagkakagapos din ng aking buong katawan. Mabigat sa aking kalooban na pabayaan na lamang ang sitwasyon at hintaying lumipas ang buong araw dahilan sa kawalan kong magawa.

Haaayy...pakiramdam ko'y hindi na ako makaaahon pa sa kinalulubugan kong kumunoy bunga ng maling desisyon sa nakalipas na kahapon!

waaaaaaaaaaaahhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!


Thursday, September 25, 2003

Akala ko

Akala ko ako ang nandyan sa kaibuturan ng iyong puso. Nagkaroon ako ng ganitong ilusyon dahil minsan sa nagdaang mga panahon ay akin itong naramdaman.

Akala ko'y ganap mo nang napalaya ang iyong sarili sa iyong lumipas na kahapon. Ngakaroon ako ng ganitong ilusyon dahil ito ang ipinaniwala mo sa akin.

Akala ko ay lubos mong nauunawaan ang aking pinanggalingan. Nagakroon ako ng ganitong ilusyon dahil ito'y ipinaramdam mo sa akin.

Akala ko'y tuloy-tuloy ang ating paglalakbay sa laot ng kabalintunaan ng buhay. Nagkaroon ako ng ganitong ilusyon dahil tinuruan mo akong tanganan ng mahigpit ang sagwan

Ang di ko inakala ay ang malaman ko mula sayo na hanggang ngayo'y yakap yakap mo pa rin ang iyong kahapon.

At lalong di ko inakala na ako'y maiiwang mag-isang nakatingala sa mga bituin na minsan ay sabay pa nating binilang.

Magkagayon ma'y tuloy tuloy pa rin akong mangangarap. At kapag dumating ang pagkakataong magtagpo ang ating mga panaginip, iyon ang magpapatunay na hindi ako nagkamali sa aking mga akala.


Wednesday, September 24, 2003

Ang diyos ni Gloria

"God was my adviser", noon ay wika ni Pangulong Arroyo kaugnay ng pahayag nya na hindi na sya tatakbo sa 2004 Eleksyon. Di umano ay ito ang mensahe sa kanya ng diyos.

Mukhang gusto sabihin sa atin ni Pangulong Arroyo na magbabago ang isip ng diyos kung kaya't sya ay taimtim na nananalangin para sa wastong gabay ng diyos. Ang pagtakbo nya sa darating na halalan ay naksalalay sa mensaheng hinihintay nya mula sa langit. Pero ngayon pa lang, mukhang batang panganay lamang ang di naniniwalang tatakbo sya sa darating na halalan.

Samantala, sa Octobre 18, 2003 ay nakatakdang bumisita dito sa Pilipinas ang pangulo ng Estados Unidos, na animo'y siyang diyos na ni Pangulong Arroyo dahil ganun ganun na lamang ang pagsuporta nito sa gera ng nauna sa Afgahnistan at Iraq. Tila gusto sabihin sa atin ni Pangulong Arroyo na ang pagkamatay ng mga ilang libong inosenteng sibilyan sa mga nasabing gera ay kagustuhan ng kanyang diyos. Ang diyos din kayang ito ni Pangulong Arroyo ang may kagustuhang paslangain at sindakin ang mga lider at kasapi ng mga ligal na organisasyong masa tulad ng Bayan Muna? Lubhang mapanganib ang diyos ni Pangulong Arroyo.


Saturday, September 20, 2003

Si Korina, Erwin at ang ABS CBN

Kapag may naririnig ako sa radyo o nababasa tungkol Kay Korina Sanchez, lagi kong naaalala ang aking yumaong Lolo Pedro (Mamay Ido). Paboritong paborito kasi nya si Korina. Bagama't ako'y nagtataka kung bakit nya ito naging paborito, hindi ko naisip na tanungin ang aking Lolo kung bakit. Nagtataka ako dahil simula't sapol naman ng marinig ko sya sa radyo ay ni hindi man lang ako nagkaroon ng kaunting paghanga sa kanya. Ang impresyon kasing naiwan nya sa akin ay mas mahalaga pa sa kanya ang rating nila o niya kaysa sa kanyang ibinabalita o komentaryo! Subukan nyong makinig ng Korina sa Umaga ng DZMM. Ganun din kay Erwin Tulfo, malimit ay kung saan saan nya na lamng hinuhugot ang kanyang mga komentaryo matapos magbasa ng balita.

Katulad na lamang ng obserbasyon ni Jo-Ann Q. Maglipon ng Philippine Daily Inquirer. Malinaw niyang nailahad ang kanyang punto tungkol sa hindi magandang pamamaraan ng pagbabalita nila Erwin at Korina. Ang obserbasyong ito ay umani ng reaksyon mula sa ABS-CBN Management at ang kanilang reaksyon ay nakalathala ngayon sa Inquirer sa pamamagitan ng liham ni MALOLI ESPINOSA-MANALASTAS, Vice President for Public Relations ng ABS-CBN.

Kayo na ang bahala humusga kung alin ang tama at mali. Basta ako, kapag ang pinag-uusapan ay news and current affairs, sa GMA 7 ako (minus Arnold Clavio)!

Thursday, September 18, 2003

Maligayang Kaarawan, Fr Al!

Ngayon ang ika-73 kaarawan ni Fr. Aloysius Schwartz, ang tagapagtatag ng The Sisters of Mary Congregation na syang nangangasiwa sa lahat ng kampus ng The Sisters of Mary School sa iba't-ibang dako ng mundo kabilang na ang apat na kampus sa Pilipinas.

Ako ay kabilang sa mga mapapalad na nabiyayaan ng kanyang kabutihan. Siya ang itinuturing kong pangalawang ama. Nakapagtapos ako ng High School sa tulong ng programa ng Sisters of Mary School. At masasabi kong di ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung di dahil sa kanya. Habang buhay kong tatanawin na isang malaking utang na loob ang lahat lahat ng biyayang aking tinamasa sa tulong niya. Maraming salamat Fr. Al!

Ang Sisters of Mary School ay nagbibigay ng libreng edukasyon at vocational training para sa mga kapus palad. At ito ay nagiging posible sa pamamagitan ng donsayon o tulong mula sa iba't-ibang panig ng daigdig. Kayo man ay maari ring makatulong sa pamamagitan ng inyong donasyon, gaano man ito kaliit ay lubos itong ipagpapasalamat ng mga kabataang umaasang magkaroon ng magandang buhay. Naririto ang detalye kung paano kayo makakatulong.


Tuesday, September 16, 2003

Gloria Resign?

Matapos ang isang nakakapagod na isang linggong nagdaan, tila wala pa ring malinaw na direksyon ang darating na isa na namang linggo. Kung saan ito hahantong, tadhana na lang ang nakakaalam.

May bagong isyu na ulit ang tinig.com, isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino na naglalaman ng mga personal essays, lathalain, tula, maikling kuwento, at komentaryo tungkol pambansang usapin na sinulat ng mga kabataang Pilipino. Kasama sa bagong isyung ito ay ang isa kong artikulo na patungkol sa lipunang maaring sibulan ni Sophia.

Samantala, tila dumarami ang mamamayang may sentimyentong patalsikin sa poder si Ate Glo o di kaya ay nananawagan ng pagbibitiw biling pangulo. Sinasabi rin na di man siya mapatalsik sa pwesto ay tiyak namang di siya mananalo sa 2004 Election. At kung manalo man daw siya sa pamamagitan ng pandaraya ay tiyak na di magtatagal ay haharap sya sa paningingil ng taong bayan. Maging si Conrado De Quiros, isang kolumnista sa Inquirer ay may kahalintulad ding sentimyento.

Saturday, September 13, 2003

Bangungot sa umagang hinihintay

Mistulan akong alipin ng ilusyon na sabay pinanday ni Ara at Christian. Di ko sukat akalain na ang ilusyong ito ang siyang magdudulot sa akin ng tila walang wakas na ligalig. Ang sandaling kaligayahang dulot ng ilusyong iyon ay kagyat na napawi ng kirot na dulot ng pagkabunyag ng pinakakatagong lihim ng tadhana. Talagang wala akong swerte sa linggong ito na nagdaan.

Bakit kailangan mong sa akin ay magsinungaling? Bakit kailangan mo akong paniwalain sa isang bagay na di ko naman hiniling sayo. Bakit sa kabila ng kirot na dulot ng yong ginawa ay lihim pa rin akong umaasa na darating ang umagang hinihintay ni Arianna? Pero paano kung ang umagang hinihintay ay wala palang araw na sumusikat?

Malapit na akong maniwala na di isang magandang pangarap ang dulot ni Ara at Christian kundi isang nakamamatay na bangungot! Tila isang hamak na karakter lamang ako sa panaginip ng isang makapangyarihang persona na minsan ay aking sinamba!

Friday, September 12, 2003

Bad Trip!

Pag tatamaan ka nga naman ng malas, kakainis! Akalain nyo ba namang sarado yung coffee shop? E wala pa namang ibang makakainan dito, kasi yung building namin ay nasa malayong isla na pinamumugaran ng mga pulitiko! grrrrrr.... Ang tagal pa ng 6 pm, waaaaaahhhhhhh!!!


Lipas Gutom

Sa nakalipas na ilang araw, napansin kong lagi ako mag-isa mag lunch ah? Parang ang lungkot ng linggong ito. Sa totoo lang di pa ako nanananghalian eh, medyo busog pa kasi ako kaninang lunch break. Natulog na lang ako at sa sandaling panahon ng aking pagkatulog ay dinalaw ako nila Ara at Christian sa aking panaginip. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay hindi magkaintindihan ang dalawa kahit napakasimple lang naman ng kanilang pinag-uusapan. Isip ko tuloy, magkatuluyan nga kaya sina Ara at Christian? At kung sakali man, maging maayos kaya ang kanilang pagsasama? Ewan ko bakit lihim akong nananalangin na sana nga ay sila ang magkatuluyan at naway'y maging walang wakas ang kanilang kaligayahan..

Hmmm... mukhang nakakaramdam na ako ng gutom. Punta muna ako ng coffee shop, magkakape ako at order ako ng isang cheese cake. Tara...


Tuesday, September 09, 2003

Circus sa Senado

Nagmukhang circus na naman ang senado kahapon matapos umiwas si Ignacio Arroyo, ang nakababatang kapatid ni Mike Arroyo at umanoy siya ring si Jose Pidal, na sagutin ang mga tanong na may kinalaman sa kanyang mga ari-arian at negosyo. Asar talo ang mga sendaor dahil mistulan silang ginisa sa sarili nilang mantika matapos gamitin ni Ignacio Arroyo bilang proteksyon ang mga batas na ipinasa mismo ng senado.

Kaya minsan nawawalan na ako ng interes na magbasa ng balati ukol sa mga senate inquiries na di umano ay "in aid of legislation". Lokohin nyo lolo nyo pero wag ang lolo ko! Halata namang pawang pagpapapogi lang ang ginagawa ng karamihang senador sa mga ganitong okasyon. Syempre, hindi kasama dito si Sen. Arroyo. Ibang klase yata ang mamang ito!

Saturday, September 06, 2003

Paano nga kaya?

Paano kung minsan ay dumating sa buhay ng isang tao ang matagal na nyang ninanais makamit pero hindi pa man sya lubos na nakapagsasaya dahil sa pangyayaring iyon ay natuklasan nya na ang lahat ng iyon ay isa lamang panaginip?

Paano kaya kung ang lahat ng magagandang ating nakikita ay bunga lamang ng pandaraya ng ating mga mata?

Paano kaya kung tayo pala ay pawang mga karakter lamang ng panaginip ng isang tao na ating minimithing makasama habangbuhay? Magkaroon kaya tayo ng pagkakataong siya ay makatagpo at magkausap kapag siya'y gising na?

Paano kaya magagawang dayain ang yong nararamdaman ng di ka masasaktan? Paano kaya nagagawa ng ibang tao na maging dahilan upang dayain ang nararamdaman ng taong sa kanila'y alam naman nilang nakasentro ang buhay?

Paano kaya kung si Ara at Christian at lahat ng may kaugnayan sa kanila ay hindi pala isang panaginip kundi isang bangungot na sa akin ay siyang di magpapatahimik?

Bahala na....


Friday, September 05, 2003

Dakila ka Inay!

Noong miyerkules ng gabi, isinugod sa ospital ang aking Inay dahil sa taas ng blood pressure nya. Pagdating sa ospital, 200/100 ang kanyang blood pressure! Di kayang ipaliwanag ng anumang salita ang pangamba na aking naramdaman ng makarating sa akin ang balita. Agad ay nagpasya akong umuwi ng Cuenca, Batangas.

Wala ng bus na bibiyahe papunta sa lugar namin kaya sa mga kolorum na van na lamang ako sumakay. Alas nuwebe na ng gabi ng umalis kami mula sa Buendia. Kamalas-malasan pa, sa di ko tiyak na dahilan ay "naligaw" ang driver. Akalain nyo ba namang nakarating kami ng San Pablo City! Grabe ang takot ko ng mga sandaling iyon. Akala ko ay hold up o kung ano man ang masamang balak sa amin ng driver. Yung isa nga ay binuksan na ang pinto kahit tumatakbo pa ang sasakyan. Buti na lang at wala naman palang masamang balak ang driver. Nawala lang siguro sa sarili kaiisip kung sino talaga si Jose Pidal. Pasado alas dose na ako nakarating sa ospital kung saan dinala ang aking Inay.

Sa kabutihang palad, naging normal din ang kanyang blood pressure at pinayagan na ng kanyang doktor na makalabas kahapon.

Samantala, ngayon ay ang ika-18 taong anibersaryo ng kamatayan ng aking Tatay. Sayang at di nya na nakita ang kanyang mga apo, lalo na ang aking anak na si Sophia. Ganun na lamang ang taas ng pagtingin ko sa aking Inay dahil sa kabila ng mag-isa na lang nya kaming pinalaki ay naging maayos ang aming mga buhay. Dakila ang aking Inay at habangbuhay ko iyong ipagmamalaki.


Tuesday, September 02, 2003

Lilipat na ako ng ibang bahay!

Grrrrr.... upload sana ulit ako kanina ng mga pics ni Sophia sa homepage ko, bigla ba namang nadiskubre kong temporarily suspended pala ang account ko sa Angelfire!

Eto yung sabi ng Angelfire:

Temporarily Unavailable

The Angelfire site you are trying to reach has been temporarily suspended due to excessive bandwidth consumption.
The site will be available again in approximately 2 hours!


hay naku! gusto ko pa naman pag nagkaisip na si Sophia ay makita nya ang homepage ng tatay nya! Wala pa akong budget pambayad sa hosting at domain registration eh. Meron ba kayong pede i-suggest na mas ok sa Angelfire? Halos lahat pa naman ng files ko ay nasa angelfire! Waaaaaaaaaaaaaaaaaaaah!!!


Si Ka Amado at ang F4

Kanina ko lang nabasa yung latest issue ng bulatlat.com at syempre gaya ng dati, hitik na hitik ito sa mga balita at komentaryo. Dito ko rin nalaman na Sa Sept 13, 2003 pala ay may Poetry Night na gaganapin sa Folk Arts kaugnay ng ika-100 taong kaarawan ni Ka Amado Hernandez. Sabado yun at malamang ay makapunta ako. Pero di ko pa alam kung magkano ang tiket. Basta pupunta ako.

Sa araw ding iyon pala ang konsyerto ng F4 ng Taiwan. Grabe ang mahal ng tiket, kaya pati yung pinsan kong adik na adik sa Metero Garden ay di yata makakapunta sa konsyerto. Ewan ko, bakit di ko magustuhan ang F4 at ang Meteor Garden. Walang dating sa akin. Mas gusto ko pa rin ang "Sana'y wala ng wakas" nila Ara at Christian (uhhhmm....ibaba yang kilay na yan. OO, pinanonood ko yun at gustong-gusto ko yun!). Si Ara at Christian ay bahagi ng aking paglalakbay sa kabalintunaan ng buhay.

Sa palagay nyo, saan mas maraming manonood? Sa F4 o kay Ka Amado?

Narito ang buong artikulo mula sa Bulatlat.com kaugnay ng kaarawan ni Ka Amado.