Wala ng bus na bibiyahe papunta sa lugar namin kaya sa mga kolorum na van na lamang ako sumakay. Alas nuwebe na ng gabi ng umalis kami mula sa Buendia. Kamalas-malasan pa, sa di ko tiyak na dahilan ay "naligaw" ang driver. Akalain nyo ba namang nakarating kami ng San Pablo City! Grabe ang takot ko ng mga sandaling iyon. Akala ko ay hold up o kung ano man ang masamang balak sa amin ng driver. Yung isa nga ay binuksan na ang pinto kahit tumatakbo pa ang sasakyan. Buti na lang at wala naman palang masamang balak ang driver. Nawala lang siguro sa sarili kaiisip kung sino talaga si Jose Pidal. Pasado alas dose na ako nakarating sa ospital kung saan dinala ang aking Inay.
Sa kabutihang palad, naging normal din ang kanyang blood pressure at pinayagan na ng kanyang doktor na makalabas kahapon.
Samantala, ngayon ay ang ika-18 taong anibersaryo ng kamatayan ng aking Tatay. Sayang at di nya na nakita ang kanyang mga apo, lalo na ang aking anak na si Sophia. Ganun na lamang ang taas ng pagtingin ko sa aking Inay dahil sa kabila ng mag-isa na lang nya kaming pinalaki ay naging maayos ang aming mga buhay. Dakila ang aking Inay at habangbuhay ko iyong ipagmamalaki.
No comments:
Post a Comment