Nandon pa lang ako sa kanto ng Roxas Blvd at Arnais St, may sumalubong na sa akin. Kulang na lang ay may mag-alalay sa akin sa pagbaba ko ng FX. hehe!
Ser, passport po ba?
Hindi, sagot ko naman. Diretso lang ako ng lakad papuntang entrance ng DFA. Ang dami kong nadaanang mga fixers na kanya-kanya ng pangungulit sa mga nasasalubong nila. Dikit-dikit din yung mga photo studio na may kani-kaniyang taga sigaw na parang barker sa mga paradahan ng sasakyan.
Sindya kung magpa-photocopy ng ID doon sa isang photocopying center na malapit sa entrance para masaksikan ko ng personal yung modus operandi nung mga fixers. Tinanong ako kung may form na ako. Sabi ko ay wala pa at humingi ako ng isa. Hindi naman ako siningil. May sasabihin pa sana sa akin yugn nagbigay, pinutol ko na ang usapan at nagpasalamat na lang. Sa loob ng phocopying center na iyon ay may isa pang "serbisyong" pinagkakakitaan. Sa halagang P 5.00 may magdidikit na ng picture mo sa form, ilalagay ang 2 pang litrato sa plastic at i-i-staple sa form, at pahihiramin ka ng stamp pad para sa thumbmark. Sinubukan ko ring makipila doon.
Ser, di po pwede yung picture nyo. Maliit yung mukha at may shadow pa.
Balak pa akong isahan ni Manang. May photostudio kasi sa likuran nya eh. hehe!
Manang naman, di naman po ako kahapon lang pinanganak eh. Ok na po yan.
Di na sya sumagot at inayos na lang yung pictures ko.
Sa loob naman habang nakapila, may nakakwentuhan akong isang babae. Carol ang pangalan nya, dalaga, 24 yrs old. Nakita ko kasi syang may dalang NBI Clearance samantalang ako naman ay wala kasi nga ang alam ko ay hindi naman kailangan.
Miss, kailangan ba talaga yung NBI Clearance?
Kailangan daw at dapat for travel yung purpose. Ganun daw yung ipinasa ng kaibigan nya nung kumuha ng passport. Yun na yung naging simula ng kwentuhan namin. Tinanong nya ako kung nag-aaply din ako ng trabaho abroad. Sabi ko naman ay nagbabalak pa lang ako. Nung siya naman ang tinanong ko ay baka next year daw ay makaalis na siya. Tinanong ko kung saan ang punta nya.
Alam nyo na po yun syempre.
Sabay tawa sya. Ako naman ay napaisip. Japan ang naisip ko pero syempre hindi ko na sya tinanong kung doon nga kasi parang nahihiya syang sabihin yun. Pero dahil sa gusto ko ngang matiyak kung tama nga ako ng iniisip, kinuwento ko sa kanya may pinsan ako na nagbabalak ding mag-abroad, sa Japan naman ang punta nya.
Doon din nga po ang punta ko, Kuya.
Tama ako. hehe! Tinanong ko sya kung may Artist Record Book na sya. Meron na daw at ang hirap daw makakuha non. Hanggang sa napagkwnetuhan na namin yung lovelife nya.
Buti, pinayagan ka ng boypren mo?
Ang gusto ko talagang itanong ay kung may boypren na sya. At yun nga, medyo nagkakaproblema daw sila ngayon kasi ang gusto daw ng BF nya ay magpakasal muna sila bago sya umalis papuntang Japan. Ayaw nya pa naman daw kasi nga panganay sya at madami pa syang kapatid na pinapaaral. At isa pa hindi pa naman daw sya sigurado kung sila na nga. Mukha raw walang tiwala sa kanya. Sabi ko naman ay tama ang naging desisyon nya, logical. Si Carol ay nakatapos ng BA Marketing Major sa UE Recto at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang tiange bilang katiwala. Sa Manila sya ipinanganak at lumaki. Sa Bamabang sya nakatira ngayon. Yung boypren nya naman ay isang teacher sa Nagcarlan Laguna. Nagkita ang dalawa sa Bulacan. Mahigit isang oras din kaming nagkakwnetuhan habang nakapila. Palagay ko ay malayo ang maabot nitong si Carol na magbebertday sa December 18. =)
Hindi naman pala mahirap kumuha ng passport. Tama ang naging desisyon ko. Bukod sa nakatipid ako ng P 500.00 (P 1,000.00 ang bayad kung dadaan sa travel agency), nakakwnetuhan ko pa si Carol. At ang P 500.00 na natipid ko dadagdagan ko lang ng P 160 ay makakabili na ako ng 900 grams na PediaShure para kay Pia!
No comments:
Post a Comment