Thursday, March 25, 2004

Tawag na!

LIBRENG TAWAG KAHIT SAANG PANIG NG DAIGDIG!


May natanggap akong message kanina mula sa schoolmate ko noong high school, nagpapasalamat dahil sa ibinigay kong impormasyon hinggil sa kickazzphone, na kung saan ay makakatawag sya ng libre sa kanyang mga kamag-anak na nasa ibang bansa. Nagagamit nya na raw ito. Subukan nyo din ;)

Hindi ito paid advertisement ha...Hehe! Ito ay produkto ng Prodatanet, isa sa mga affiliates ng pinagtatrabahuhan ko.

Medyo bago pa dito sa Pinas ang internet telephony at hindi pa ganoon kalawak ang bilang ng mga gumagamit nito. Kapag ito ay umunlad ng todo, harinawang matapos na ang mala-monopolyo ng PLDT, na kamakailan lamang ay natalo sa kaso laban sa pldt.com ni Gerry Kaimo, sa industirya at bumaba na ang singil nito.

Wednesday, March 24, 2004

Esep Esep

Natutukso akong kumuha ng CPA Board Exam sa darating na Mayo 2004. Pero di naman ako handa. May 6 weeks na lang ako para magreview ng 8 subjects. Wala pa akong review materials. Hmmm... Pano ko kaya pagkakasyahin yun? May pinagkakaabalahan pa akong part-time bisnes. May Sophia akong ipinagtitimpla ng gatas sa madaling araw. May full time pa akong trabaho na sa aking palagay ay di ako papayagang mag bakasyon ng isang buwan. May naka schedule pa kaming pag akyat sa Mt. Makulot sa April 24-25 at di ako pwede umatras kasi nga ako yung host.

Alam ko namang hindi logical na kumuha ako ng exam sa ngayon pero para akong naglilihi na gustong gusto kumuha. Ang balak ko talaga ay sa October pa kumuha pero sabi nila mas mahirap daw ang tsansa sa October kasi mas madaming kukuha ng exam. Masyado namang matagal kung sa susunod pang May 2005. Plano ko rin kasi mag enroll sa college of law, dangan nga lang kasi at kapos pa ako sa budget at panahon.

Haayyy... dami ko pa gustong gawin. Nitong huli, nahihirapan ako mag set ng mga priorities ko. Makapagbakasyaon muna kaya kahit dalawang araw man lang...

Tuesday, March 23, 2004

Countdown


Iyan ang larawan sa front page ng inq7.net ngayon. Naalala ko tuloy iyong kwentuhan namin ng kaibigan ko noong nakaraang buwan hinggil sa poster na iyan ng mga wanted na kidnappers. Sabi nya hindi raw siya magtataka kung mahuli o mapatay ang lahat ng nasa larawan bago matapos ang panahon ng kampanya. Alam naman daw kasi "nila" kung nasaan ang mga iyan. hehehe! Mukhang magkakatotoo nga ang sinabi nya.

Sa isang banda, ok naman ang mensahe ng larawan. Maliban na nga lang don sa aleng ngising aso. Sana man lang tumalikod na lang siya.

Saturday, March 20, 2004

Pakikiisa sa mamamayan ng Iraq

Matapos ang isang taon simula ng salakayin ng Estados Unidos ang Iraq, dahil sa di umano'y pagkakaroon ng huli ng weapons of mass destruction (WMD), umabot na sa 10,000.00 sibliyan ang namatay. Subalit hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring katanungan kung may WMD nga ba ang Iraq. Sa daloy ng mga pangyayari, lalong lumilinaw ang motibo ni Bush sa ginawang pananakop sa Iraq.

Sayang at hindi ako nakasama sa mobilisasyon kaninang umaga. May meeting kasi ako ngayong hapon sa isang kliyente at medyo malaking kontrata ito kaya kailangang paghandaan. Ganunpaman, ang blog entry na ito ay bilang pakikiisa sa mamamayan ng Iraq!

Wakasan ang pananakop ng Estados Unidos sa Iraq!

Friday, March 19, 2004

hacked yahoo id

!@#$%^&*!!! may nang hack ng yahoo id ko (zat0411). kung ano man yung matanggap nyo mula sa yahoo id na iyon ay pakibalewala na lang po. Baka kung ano pang kabalbalan ang gawin ng mokong na yun kung sino man siya.

Tuesday, March 16, 2004

Fr Al's 12th Death Anniversary

Ngayon ang ika-12 taong anibersaryo ng kamatayan ni Fr. Al, na kamakailan lamang ay idineklarang "Servant of God". Siya ang tagpagtatag ng The Sisters of Mary School, na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga mahihirap. Isa ako sa mga nabiyayaan ng kanyang kabutihan.

Kasabay ng paggunita sa kanyang kamatayan ay nagkakaroon kami ng taunang Grand Alumni Homecoming. Pero ngayong taon ay ginanap ito noong March 14, 2004, Linggo, upang mas marami ang makadalo. 6 A.M. pa lang ng umaga ay umalis na ako ng bahay para pumunta sa Silang Cavite Campus. May kakaiba talaga akong nararamdaman tuwinang pumapasok ako sa loob ng kampus namin, para bang payapang payapa ang mundo at walang bakas ng anumang kaguluhan sa mundo. Silipin nyo dito yung Silang Campus namin kung gano kaganda!

Muli ay nakita at nakasama ko yung mga dati kong mga kasama sa dorm at mga kaklase noong nasa High School pa ako. May balik-bayan galing sa London; may mga guro sa iba't-ibang unibersidad; may mga manggagawa sa pabrika, at iba pa. Mayroon din namang 3 taon ng walang trabaho dahil naging biktima sila ng kasakiman ng Toyota Motor Philippines. Tanging hangad nila ay makabalik sa trabaho at humarap ang TMP sa CBA Negotiation. Nanalo ang Toyota Motor Philippines Workers Association sa kaso na nakarating na sa Supreme Court, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naiibigay ang kung anuman ang para sa mga manggagawa ng Toyota.

Sa kabuuan ay naging masaya ang okasyon. Kwentuhan. Asaran. Kumustahan. At bago kami tuluyang maghiwa-hiwalay ay nagpasya kaming maghapunan muna ng sama-sama sa KFC sa DasmariƱas. Pasado alas nuwebe na ng gabi ako nakarating ng bahay.

PAHABOL

Si Fr. Al ay ang itinuturing kong pangalawang Tatay, ang taong nagbigay liwanag sa noon ay aandap-andap kong kinabukasan. Siya ang nagtatag ng The Sisters Of Mary School (SMS), na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga mahihirap na kabataan. Ang pondong ginagamit upang ito ay maisakatuparan ay nanggagaling lamang sa mga donasyon mula sa iba't ibang tao mula sa iba't ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan ay may apat na kampus na ang SMS sa Pilipinas - Sta. Mesa Manila, Silang Cavite, Minglanilla at Talisay Cebu.

Kayo rin ay maaaring makatulong upang maipagpatuloy ang kanyang nasimulang gawain sa pamamagitan ng inyong donasyon gaano man ito kaliit. Maari ninyong ideposito ang inyong donasyon (tax-deductible) sa UCPB Savings Account No: 167-000716-1 na nakapangalan sa Fr. Al's Children Foundation, Inc. sa alinmang sangay ng UCPB. Pwede rin kayong pumunta sa alinmang kampus ng SMS upang mas makita ninyo kung sa paanong paraan kayo pwede makatulong.

Saturday, March 13, 2004

Tito Guingona: Trapo din?

Eto na nga ba ang sinasabi ko eh. Tsk! Si idol na Tito Guingona doon din ang punta sa kampo ni FPJ. Basahin dito.

Sanggol lang naman na bagong panganak ang di nakakaalam na ang nasa likod ni FPJ ay si Erap at iba pang oportunistang pulitiko na nakabangga ni Idol na Tito noong panahon ng pandarambong ni Erap. Labis nga akong humanga sa kanya kasi siya ang kauna-unahang opisyal ng gobyerno na nanawagan ng Erap resign. Hindi tulad ni Gloria na nakisawsaw lang noong malinaw na ang lahat.

Hindi rin matatawaran ang paninindigan ni Idol na Tito sa usapin hinggil sa pakikialam ni Uncle Sam sa atung bansa.

Pero bakit si FPJ ang susuportahan niya? Dahil ba ang anak nya at asawa ay tumatakbo sa ilalim ng KNP? Kung gayo'y anong kaibahan nya kay Loren? Bakit hindi si Sen. Roco o kaya ay si Bro. Eddie man lang ang suportahan nya? Dahil ba sa iniisip nya na hindi naman sila mananalo at kung magkagayo'y mawawala sya sa malapelikulang palabas sa larangan ng pulitika? Sayang naman si Idol kong Tito. Sayang ang panlilisik ng kanyang mata kung magpapagamit lang din naman sya sa mga ulupong na nasa likod ni FPJ!

Naisip ko tuloy, nasyonalista nga ba ang Idol kong Tito?

Thursday, March 11, 2004

Kaya nyo yan?





Tawa ng tawa kanina yung kaopisina ko. Tinanong ko kung bakit. May nagpadala pala sa kanya ng image na ito. Pina forward ko sa email ad ko, naisip ko magandang idisplay sa blog ko. Tapos pag dalaw ko sa site ni Ederic, nauna na pala nyang i post yung image na ito, pinadala naman sa kanya ni Ate Jet.

Sya na lang kaya ang iboto ko? nyahahaha!

Thursday, March 04, 2004

Exploitation?

Kanina, pagkagaling sa opisina ay dumaan muna ako sa Reyes Haircut para magpagupit. Medyo maraming tao pero hindi naman ako nainip kasi may TV sila at sakto namang balita ang palabas. Matapos ang balita ay sumunod naman ang Star Circle Kid's Quest, bagong palabas sa ABS-CBN na kung saan ang mga mananalo ay magkakaroon ng malaking premyo at pagkakataong maging artista.

Upang manalo, sari-saring pakulo ang ginagawa ng mga bata. May sumasayaw, may kumakanta, may nagpapatawa at may nagdadrama. Kung tutuusin, wala namang masama dito dahil napapaunlad nito ang talento ng mga bata sa murang edad pa lamang. Pero ewan ko, noon pa mana ay ayaw ko na sa ganitong klase ng mga pakulo, katulad din nung little miss philippines.

Lalo akong naasar nung tinanong yung isang kalahok. Bakit daw sya sumali. Para daw magkaroon sila ng pera. Naawa akong bigla doon sa bata. Sa murang edad nya ay tila ba napakabigat na ng kanyang responsebilidad sa buhay. Hindi naman sa hinuhusgahan ko yung mga magulang, pero ano ba ang karamihang motibo ng mga magulang at nagkakandarapa sila sa pagkaladkad sa kani-kanilang mga anak para sumali dito? PERA! May iba pa ba? Eh iyong may mga pakulo nito, ano ang hangad nila? PERA din! Ang tingin ko dito ay maliwanag na pagsasamantala sa mga musmos na bata. Ang nakakaasar pa dito, ABS-CBN din ang may ideya ng Bantay Bata 163!

Basta ako, pipilitin kong mabigyan ng magandang buhay si Sophia at hindi ko hahayaang akuin nya ang responsebilidad sa paghahanda ng kanyang magandang bukas. Hindi ko siya isasali sa mga ganitong pakulo kahit na style beaty queen sya mag bye bye at mahusay na syang mag otso-otso ngayon. hehehe!

Sa isang banda, talaga namang ang gagaling nung mga batang kalahok. Walang sinabi si Carlos Agassi sa pag-arte.

May bago akong pinagkakaabalahan!

Medyo naging abala ako ngayon kaya medyo bihira na ako ngayon makapag-update ng blog ko. Madalas ay gabi na ako makarating sa bahay at hindi na maka onnect sa internet. Hirap talaga pag prepaid cards lang ang gamit. hehehe!

Sumali kasi ako sa First Quadrant (isang multi-level marketing company) isang buwan na ang nakakalipas. Nakakatuwa kasi medyo malaki ang naitulong nito sa akin. Tuwing biyernes ay nakakatanggap na ako ng P4,000 (average). Pandagdag na rin sa pambili ng diaper at gatas ni Sophia ko. hehehe! Sa tantya ko pag dating ng April ay magiging P10,000.00 kada linggo na ang matatanggap ko. Sana nga. Ang tataas na kasi ng bilihin dito sa Pinas! At ang sweldo ko, bagamat ok naman, ay 2 taon nang napako sa kinalalagyan. May job offer nga sana sa akin sa isang maliit na bangko kaya lang ang liit naman ng sweldo. Haaayyy... buti na lang at may nag invite sa akin dito sa First Quadrant. Part time lang pero ok naman incentives.

Pero bukod pa sa dagdag na kita, ang isa pang nakakatuwa sa pagsali ko sa First Quadrant ay ang dami kong bagong kakilala na sabi nga nila ay people from all walks of life. Minsan nga nagdi-dinner kami ng mga bago kong kakilala sa isang Japanese American Bistro (Bento Box) sa Greenhills ay napagkwnetuhan namin ang aming mga buhay-buhay. Pito kami lahat na nagkatipon noon, at nalaman namin na lahat kami ay maagang naulila sa ama. Ako ay 9 na taong gulang pa lang ng namatay ang aking Tatay. Yung isa naman ay 7 taong gulang pa lang sya. Yung isa pa ay 2 taong gulang pa lang. Ang pinakamatindi, yung isa na di nya raw kilala ang kanyang tatay kasi buntis pa lang nanay nya ay iniwan na sila. Yung iba ay di ko na matandaan basta ako pa rin ang pinakaswerte kasi lahat sila ay mas bata pa nung nawalan ng tatay.

Kaya nga sabi ko sa kanila, ang babait at dakila ng aming mga ina kasi sa kabila noon ay nairaos kami pare-pareho, na ngayon ay may kani-kaniya nang propesyon. Kaya nga sabi ko sa sarili ko, makaipon lang talaga ako, ipapasyal ko nanay ko kahit sa hongkong man lang. Wish ko lang magawa ko na iyon ngayong October na kung saan siya ay magdidiwang ng ika-52 kaarawan.