Kagabi, habang pinagmamasdan ko si Sophia sa kanyang
pagtulog, kung anu-anong bagay ang pumasok sa aking isip. Gaya ng kung ano kayang
kapalaran ang naghihintay sa batang ito? Maibigay ko kaya ang lahat ng
kanyang pangangailangan? Ganap na kayang karapatan ang edukasyon
at hindi lamang pribelehiyo sa mga may kayang magbayad para dito? O
baka naman kasingtayog na ng langit ang bayarin sa matrikula? Sa kanya
kayang paglaki ay masaksihan nya pa rin yung maraming kababayan na sa
bangketa na natutulog?
Makarinig pa kaya siya ng balita tungklol sa demolisyon ng tahanan ng mga maralitang tagalungsod? Makarinig pa kaya siya ng balita tungkol sa magsasakang minasaker ng militar?
Marinig nya pa kaya yung sigaw sa lansangan ng mga makabayang
nagdedemostrasyon gaya ng Imperyalismo, Ibagsak! Burukrata Kapitalismo,
Ibagsak! Pyudalismo, Ibagsak!?
Maayos na kaya ang kalagayan ng mga manggagawa?
Ano kaya ang landas na tatahakin ng batang ito kung makagisnan pa rin
nya ang lipunang punong-puno ng pagsasamantala? Pumanig din kaya sya sa
mga aping sektor ng lipunan tulad ng ginawa ni Kristo, na
kailanman ay di pumanig sa naghaharing uri ng kanyang panahon?
Sa kanya
kayang panahon ay uso pa rin ang pagtatago ng pera sa bangko gamit ang
mahihiwagang pangalan tulad ng Jose Velarde at Jose Pidal? May “plenty of sex”
din kaya ang mga magiging pangulo ng bansang Pilipinas sa kanyang
panahon? Patuloy pa rin kaya ang gera sa Mindanao? Patuloy pa rin kaya
sa pandarambong ang Estados Unidos sa mga bansang mahihirap?
Haayyy...ang daming tanong na di ko pa masagot sa ngayon. Ganun pala ang
pakiramdam ng isang ama, masyado mag-alala at malayo na ang tinatanaw
sa unahan!
Ipaghanda sila ng daigdig na sagana Nasa atin ang panahon….
Hindi ko man tiyak kung ano ang mangyayari sa darating na bukas, sisiguraduhin ko naman na hindi ako sususmbatan ng aking anak kung bakit di ako kumilos para sa pagbabago ng kasalukuyang kalagayang panlipunan, kung bakit di ko siya ipinaghanda ng isang magandang bukas!
Di ko man masaksihan ang isang lipunang walang pagsasamantala, naway maliwanag na umaga ang makita ni Sophia sa pagmulat ng kanyang mga mata.
No comments:
Post a Comment