Ngayon ang ika-12 taong anibersaryo ng kamatayan ni Fr. Al, na kamakailan lamang ay idineklarang "
Servant of God". Siya ang tagpagtatag ng
The Sisters of Mary School, na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga mahihirap. Isa ako sa mga nabiyayaan ng kanyang kabutihan.
Kasabay ng paggunita sa kanyang kamatayan ay nagkakaroon kami ng taunang Grand Alumni Homecoming. Pero ngayong taon ay ginanap ito noong March 14, 2004, Linggo, upang mas marami ang makadalo. 6 A.M. pa lang ng umaga ay umalis na ako ng bahay para pumunta sa Silang Cavite Campus. May kakaiba talaga akong nararamdaman tuwinang pumapasok ako sa loob ng kampus namin, para bang payapang payapa ang mundo at walang bakas ng anumang kaguluhan sa mundo. Silipin nyo
dito yung Silang Campus namin kung gano kaganda!
Muli ay nakita at nakasama ko yung mga dati kong mga kasama sa dorm at mga kaklase noong nasa High School pa ako. May balik-bayan galing sa London; may mga guro sa iba't-ibang unibersidad; may mga manggagawa sa pabrika, at iba pa. Mayroon din namang 3 taon ng walang trabaho dahil naging biktima sila ng kasakiman ng
Toyota Motor Philippines. Tanging hangad nila ay makabalik sa trabaho at humarap ang TMP sa CBA Negotiation. Nanalo ang
Toyota Motor Philippines Workers Association sa kaso na nakarating na sa Supreme Court, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naiibigay ang kung anuman ang para sa mga manggagawa ng Toyota.
Sa kabuuan ay naging masaya ang okasyon. Kwentuhan. Asaran. Kumustahan. At bago kami tuluyang maghiwa-hiwalay ay nagpasya kaming maghapunan muna ng sama-sama sa KFC sa DasmariƱas. Pasado alas nuwebe na ng gabi ako nakarating ng bahay.
PAHABOL
Si Fr. Al ay ang itinuturing kong pangalawang Tatay, ang taong nagbigay liwanag sa noon ay aandap-andap kong kinabukasan. Siya ang nagtatag ng The Sisters Of Mary School (SMS), na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga mahihirap na kabataan. Ang pondong ginagamit upang ito ay maisakatuparan ay nanggagaling lamang sa mga donasyon mula sa iba't ibang tao mula sa iba't ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan ay may apat na kampus na ang SMS sa Pilipinas - Sta. Mesa Manila, Silang Cavite, Minglanilla at Talisay Cebu.
Kayo rin ay maaaring makatulong upang maipagpatuloy ang kanyang nasimulang gawain sa pamamagitan ng inyong donasyon gaano man ito kaliit. Maari ninyong ideposito ang inyong donasyon (tax-deductible) sa
UCPB Savings Account No: 167-000716-1 na nakapangalan sa
Fr. Al's Children Foundation, Inc. sa alinmang sangay ng
UCPB. Pwede rin kayong pumunta sa alinmang
kampus ng SMS upang mas makita ninyo kung sa paanong paraan kayo pwede makatulong.