Sunday, June 05, 2005

Minsan lang sila bata

Kagabi, napanood ko yung segmnent sa Magandang Gabi Bayan tungkol doon sa mga batang manggagawa sa Negros - sa tubuhan, sa tabing dagat, peir at sa lungsod kung saan ang ilan ay nagbebenta ng katawan kapalit ng kaunting pera pantawid gutom. Sa tubuhan, tumatanggap sila ng P 50.00/linggo kapalit ng pagtatabas ng damo sa tubuhan. Imbis na mga naglalaro at nag-aaral ay nagpapakapagod sila sa tubuhan para mabuhay. Mahigit apat na milyon daw ang bilang ng mga batang manggagawa sa buong Pilipinas ayon doon sa isang NGO. Nagngitngit talaga ako sa galit habang pinapanood ko yung segment na iyon. Naisip ko si Danding. Naalala ko rin yung isang video documentary na ginamit namin sa film showing bilang bahagi ng org week celebration noong nasa college pa ako. Minsan Lang Sila Bata ang video documentary na tinutukoy ko. Talaga namang manhid na lang ang hindi maaantig ang damdamin sa video na ito.

Kaya naman kanina, habang nag-aalmusal sa mcdo, hindi pa rin mawala sa isip ko yung kalagayan ng mga batang iyon. P50 na sweldo kada linggo, samantalang yung almusal ko ay P60! Kaya naman kahit na gipit din ako malimit ay naisip ko ring swerte pa rin ako kahit papaano. Pero hindi naman natatapos doon yung aking pag-iisip. Bakit ba hindi talaga pantay an distribusyon ng yaman?

Yung iba madaling sabihin na tamad lang daw yung mga nagugutom. Tanginangyan! kung sasabihin nilang tamad yung mga pamilyang maghapon nagbubungkal ng lupa sa tubuhan ng mayayamang asyendro doon sa Negros ay kalokohan na yun.

Sa aking palagay, hindi pantay ang distribusyon ng yaman dahil may mga mapagsamantala at mga ganid sa pera. Paano kaya nakukuhang matulog ng mahimbing at namnamin ang kanilang kinakain ng mga asyendrong ito gayung alam naman nila galing sa pawis at dugo ng mga pingasasamantalahang mahihirap ang kanilang pinagpapasaaan? Gaya halimbawa ni Kris Aquino na nakuha pang ipangaladakan na yung alahas nya raw ay katas ng Hacienda Luisita.

Ah, kailangang may gawin ako para mabago ang ganitong kaayusan. Kung wala akong gagawin, para ko na ring pinayagang manatili ang ganitong kalagayan. Ayaw ko rin namang sisihin ako ni Pia kung bakit wala akong ginagawa para mabago ito.


Pia: "Asus! ayaw nya raw sa mga sweatshops eh samantalang ako, kailangan ko pang mag-igib para makainom lang ng gatas!"

No comments:

Post a Comment