Thursday, August 14, 2003

Anak ng Jueteng

Umuwi ako kagabi sa probinsya namin sa Batangas upang magrelaks ng konti. Matagal na rin naman akong di umuuwi. Ang sarap ng tulog ko kasi dire-diretso. halos 2 linggo rin akong putol-putol tulog kasi katabi ko matulog si Sophia. Medyo masakit sa ulo dahil nga sa puyat, pero enjoy naman ako. Lalo na pag naglalaro kami ng baby ko tuwing madaling araw. Feeling ko naiintindihan nya na mga sinasabi ko.

Tumama kasi sa jueteng ang Inay, P 3,000.00 din yon! Ang dinaya kasi este tumama pala ay 30-24. Syempre pa binalatuhan nya halos lahat ng makita nya, pati na yung construction workers na gumagawa ng bahay ng Ate Digna. Kasama sa binalatuhan nya ang Nanay Igle, na narinig ko ang boses habang ako'y naliligo. Kapitbahay namin sya at Lola sya ng childhood sweetheart kong si Venus. Ng mabalitaan nyang tumama nga ang Inay, sabi nya: "Salamat sa Diyos! Sa Mahal na Birhen!" Muntik ko na mabitawan yung sabon sa narinig kong reaksyon. Naisip ko, sobra talaga relihiyoso ng mga Pilipino. Pero bigla ko natanong sa sarli ko, bakit kaya di lahat ay patamain ng Diyos sa Jueteng?

Di ba mas politically correct kung ang maging reaksyon pag tumama sa Jueteng ay: "Ay salamat po Hepe!" o di kaya naman ay "Ay! Salamat po meyor!"? Palagay nyo?

Natatandaan ko din parang sinabi ni Sec Lina na kapag di nya nasugpo ang jueteng in two years ay magreresign sya. Di pa ba tapos yung two years na yun? Hmmmm......


No comments:

Post a Comment