Thursday, January 20, 2005

Palo mo.... Palo mo... uhm!

Hindi ko na matiyak kung sino ang unang nagturo (kung may nagturo man) kay Pia na paluin ang anumang bagay na nakakasakit sa kanya. Baka yung yaya nya, pero pwede ring mommy nya. Pwede rin kayang natural na reaksyon nya yun kasi nga nasaktan sya? Halimbawa'y nadapa sya, papaluin nya yung sahig na pinagkadapaan nya. At kapag nauuntog sa dingding, papaluin nya rin ito. Noong una'y natatawa pa ako. Ang kyut kasing tingnan. Minsang hindi sinasadyang nasagi sya ng mommy nya at napasubsob yung mukha nya sa sahig. Gigil na gigil sya sa sahig at pinalo nya ito ng ilang ulit. Sabi ko kay Pia ay yung mommy nya ang paluin kasi hindi magdahan-dahan kumilos. Pero sa sahig talaga sya galit. hehe!

Minsan naman ay nauntog sya sa rebulto ng Sto Nino habang nag-eempake kami ng mga gamit. Akma nya rin itong papaluin pero hindi natuloy kasi sinaway sya ng mommy nya. Siguro'y hindi kontento na hindi napapalo yung Sto. Nino, halos araw-araw nya itong ikinukwento simula noon:

Untog... Pia... Sakit... (sabay haplos sa kanyang ulo)

Saan ka nauntog?

Niño... Palo...

Ahhh... Huwag mong paluin yun, kiss ka na lang ni Daddy para hindi na sakit. (At ilalapit nya naman ang kanyang ulo para magpa kiss)

Tatlong araw nya na itong ikinukwneto ng paulit-ulit. Minsan nga gusto ko nang pagbigyan na paluin nya yung Sto. Niño eh. hehe!

Napansin ko rin na mahilig syang mamalo sa mga kalaro nya tuwing hindi nasusunod ang gusto nya. May pagkakataon ding gumaganti sya ng palo tulad noong minsang hinampas nya yung pagkain na isusubo ko sa kanya. Pinalo ko ng bahagya yung kamay nya sabay paliwanag na masama yung ginawa nya. Umiyak sya at gumanti ng palo sa akin. Papaluin ko sanang muli pero naisip kong baka gumanti lang ulit kaya sinabihan ko na lang ulit na masama yung ginawa nya. Umiyak sya ng umiyak pero pinabayaan ko lang. Hindi nagtagal ay lumapit sya sa akin at yumakap.


Dadiiiii...huhuhuhu...

Huwag mo nang uulitin yun ha?

popo... (opo)

May mga nagsasabi na hindi pa daw dapat pinapalo ang bata sa ganung edad. May nagsasabi din naman na ok lang daw para hindi mamihasa. Hindi ko alam kung alin nga ang dapat pero ang sabi ko na lang kay misis, huwag na syang papaluin (at turuang mamalo) at daanin na lang sa paliwanag kung may maling ginawa.

Medyo kinakabahan ako kasi manang-mana sa Mommy nya mukhang matigas ang ulo nya. Kapag gusto, gusto! Haaayyyy...

No comments:

Post a Comment