Tuesday, November 08, 2005

Paalam

Sige, pumailanlang ka sa laot at sisirin mo ang kaibuturan nito. Magtampisaw ka sa tubig-alat habang binibilang mo ang mga nagpuputiang perlas na siya mong pinapangarap.

Huwag mong indahin ang hagupit ng alon sa mga malalaking batong iyong dinaanan. Magbingi-bingihan ka sa ugong ng malakas na hanging katunog ng atungal ng isang gutom na sanggol.

Subalit matapos kang magsawa sa mga natagpuang yaman, matapos humupa ang malalakas na hampas ng alon at hagupit ng hanging amihan, idalangin mong may bangka ka pa ring masasakyan. Sapagkat payapa man ang tubig, may nakakubli pa ring ligalig.

Kapag ni kapirasong kahoy ay wala kang makapitan, pakaasahan mong kakainin ka rin ng ipu-ipong nasa pusod ng dagat. Lahat ng iyong pagpapasasa at pagtatampisaw ay mawawalan ng saysay.

No comments:

Post a Comment