Tama nga sila. Ang isang pagkakamali ay di kayang itama ng isa pang pagkakamali. Gaya ng sinasabi ng ilang mga kaibigan, mali nga siguro ang naging desiyon ko noon. Padalos-dalos daw ako. Hindi nag-iisip. Siguro nga. Pero higit pa roon, mas pangunahing salik sa tingin ko ay yung pagiging mahina ko kung ang pag-uusapan ay emosyon. Ganunpaman, may isang magandang bagay naman ang nangyari dulot ng pagkakamaling iyon, kung pagkakamali nga iyong maituturing. Bagay na hindi ko pinagsisihang nangyari. Kaya lamang, dahil sa mga panibagong pagkakamali, tila nanganganib ding mabalewala ang magandang pangyayaring iyon. Bagay na sadya namang dumudurog ng aking puso. Bagay na sadya namang sa aki'y nagpapalugmok.
Sabi nga ni Aryan kagabi habang kami'y nag-iinuman sa bahay, tanggapin ko na raw na sadyang wala na akong magagawa pa. Maraming beses ko na rin namang narinig ang mga kahalintulad na payo pero ewan ko ba at hindi pa rin ako makausad. Madami akong sinisisi at ginagawang dahilan pero matalas na tinukoy ni Aryan kung ano talaga ang problema. Ako. Natigilan ako sa sinabi nya. Totoo nga yata.
Ako nga ang problema. Hindi ko na dapat ipilit ang isang bagay na ako lang naman ang may gusto. Kaya kahit na sa kabila ng lahat ng nangyari ay gusto ko pa ring maging ispesyal sana ang araw na ito, titigilan ko na ang walang kwentang pag-iilusyon. Palalayain ko na ang aking sarili sa masalimuot na nakaraan. Nawa'y ito nga ang syang tama atdapat kong gawin.
Nahihirapan man ako sa ngayon, alam kong lilipas din ito.
No comments:
Post a Comment