Wednesday, November 26, 2003

FPJ for President?

Namputsa! Gusto kong batuhin yung radyo kanina ni manong guard! Narinig ko kasi si FPJ na nagdeklara ng kanyang kandidatura para sa pagkapangulo sa darating na halalan sa 2004. What is happening to my beloved country?!

Sabagay, karapatan nya naman talagang kumandidato kung gusto nya eh. Pero kahit siguro tutukan ako ni FPJ ng kanyang mahiwagang kalibre .45, di ko pa rin sya iboboto.

Ok, aaminin ko. Lahat yata ng pelikula nya ay napanood ko na. Naalala ko pa nga nung bata pa ako, dahil hindi kuha sa TV ng lola ko yung channel 7, nakikipanood pa ako noon tuwing sabado sa kapit bahay namin. Kung tama ang aking pagkakatanda, tuwing sabado noon ay may palabas na "FPJ sa GMA". Kahit madalas naman ay replay na lang, pinapanood ko pa rin. Naalala ko tuloy yung unang sine na napanood ko kasama ang aking yumaong tatay - Ang Panday. Hindi ko iyon makalimutan kasi iyon lang yata ang una at huling pagkakataon na nakapanood ako ng sine kasama sya.

Pero ngayon, kahit na may bago pang palabas si FPJ, hindi ko na iyon panonoorin. Sa pelikula lang pala sya may sariling paninindigan. Sa totoong buhay pala ay uto-uto ka rin. Sige magpauto ka ng husto kay Danding. Iboboykot ko lahat ng pelikula mo.

Pero kung totoong maninindigan sya para sa interes ng mga aping sektor, maari ko pa rin siyang iboto. Pero sa ngayon, si Raul Roco pa rin ang manok ko.

Marami ang nagsasabi na mas malaki daw ang tsansa na manalo si FPJ. Maaari. Pero sana naman ay mali ang aking mga ikinakatakot.

Kung si GMA ay plenty ang sex, ano naman kaya ang plenty kay FPJ?

Sunday, November 23, 2003

Kakaibang Linggo Ito

Nagsimba kami kanina ng aking mag-ina. Nakakatuwa si Sophia, na ngayon ay mag-aapat na buwan pa lamang, dahil kahit iyakin sya ay tahimik naman sya sa loob ng simbahan.

Isang oras lamang matapos kaming dumating sa bahay ay dumating naman ang aking cupcake kasama ang kanyang mahal na mahal na dada. Hindi ko tuloy natapos panoorin ang pinapanood kong pelikula sa VCD (The Spy, pero ang orihinal na pamagat nito ay The Quiet American). Limang buwang buntis ngayon ang aking cupcake. Hindi ko na isasalarawan pa ang kanyang hitsura ngayon kasi baka magalit pa sya sa akin. hehehe!

At matapos makapananghalian ay pumunta naman kaming mag-asawa sa isang dambuhalang mall na ubod naman ng barat sa kanyang mga empleyado. Namili kami ng mga kailangan sa bahay pati na pagkain para sa isang linggo. Habang nasa jeep kami papunta sa mall ay walang anumang napisil ko ang kanyang bilbil. "Na-miss ko na yan ah!", marahang wika niya sa akin. Bigla akong natahimik dahil sa mga pumasok sa aking isip. Haaayyy....

At ngayon, narito naman ako sa harap ng computer. Naghahanda ako para sa isang proyekto na ipapagawa sa akin ng isang kaibigan. O sya, magbabasa muna ako ng balita...

Ooooppsss... bakit nga ba kakaibang linggo ito? Di ko na sasabihin baka maiyak lang ako.

Thursday, November 20, 2003

Panday Pera


Hindi ko alam kung kanino ito nagsimula pero natanggap ko ito kanina sa email. Malikhain talaga ang mga Pinoy! hehehe!

Sunday, November 16, 2003

Malapit na Beng, malapit na....

Si Beng Hernandez, kasama ang iba pang kasamahan, ay walang awang pinaslang habang nagsasagawa ng pananaliksik hinggil sa katayuan ng karapatang pantao sa Arakan Valley, North Cotabato noong April 5,2002. Si Beng ay Vice Presideng for Mindanao ng College Editor's Guild of the Philippines. Agad ay pinalabas ng militar at ni Gov. PiƱol na sila ay napatay sa isang lehitimong enkwentro. Naglabas pa sila ng di umano'y ebidensya na nagpapatunay na si Beng ay kasapi ng NPA. Subalit may nakasaksi sa karadumal-dumal na krimen at pinasisinungalingan nito ang pahayag ng militar.

Nakatakda ngayong kasuhan ng Davao Prosecution Office ang mga sangkot na militar at Cafgu matapos ito maglabas ng resolusyon na nagsasabing may sapat na ebidensya laban sa mga akusado. Isa itong magandang regalo para sa sana ay ika-24 na kaarawan ni Beng sa Nov 21, 2003. Basahain ang buong kwento.

Wednesday, November 12, 2003

Panfilo?

Likas daw sa mga pinoy ang pagiging masyahin at mapagbiro. Muli itong napatunayan sa pagkamatay ni dating ATO Chief Panfilo Villaruel...

Nang malaman daw ni GMA na kinontrol ni Panfilo ang ATO Control tower, ayon sa ulat sa kanya ni Sec. Leandro Menodoza, ay agad nitong iniutos ang paglusob. Nagulat di umano si GMA ng mabalitaang patay na raw ang kanyang kumpare na si Villaruel dulot ng nasabing paglusob. Akala kasi ni GMA ay si Panfilo Lacson ang siyang kumontrol sa ATO Control Tower.

Kung nagkataong Jose ang pangalan ng dating ATO Chief, malamang ay buhay pa siya bilang private citizen! hehehe!

At nagwagi ang mapagsamantala

Sinadya kong hindi muna mag-blog hinggil sa isyu ng impeachment laban kay Chief Justice Hilario Davide Jr. Una dahil mas gusto kong obserbahan muna ang laro ng mga elitista, kung paano sila magbangyan na parang mga asong ulol na nag-aagawan sa kapirasong buto.

Mataas ang paghanga ko kay Chief Justice Hilario Davide Jr. Pinatingkad ito noong panahon ng paglilitis kay Erap sa Impeachment Court. Di man lang siya makitaan ng bahid ng pagkiling sa paghawak nya sa kaso. Kahanga-hanga. Pero hindi ito nangangahulugan na walang kwenta ang reklamo hinggil sa katiwalian sa paggamit ng Judicial Development Fund. Dapat pa rin itong imbestigahan. Pero hindi ito dapat gawing sangkalan ng mapagsamantalang persona upang igiit ang kani-kanilang makasariling interes. Bagong panganak na sanggol lamang siguro ang di mag-iisip na pakana ito ng alyansang Danding at GMA. At gaya ng inaasahan sa mga mapagbalatkayong lider tulad ni GMA, agad-agad ay sumoporta ito kay Davide matapos magpahayag si Cory at Cardinal Sin ng suporta sa Chief Justice. Animo'y si Hudas na humalik kay Kristo ang tagpong aking nakita sa Harap ng korte suprema ng dumating si GMA at magpahayag ng suporta kay Davide! grrrr...

At sa mga pangyayaring ito, lumutang din ang pagiging oportunista ni House Speaker Jose De Venecia. Parang hilong talilong na din maintindihan kung saan papaling ang ulo lalo na ng manganib na siya ay patalsikin sa pwesto nya. Pero sa huli, ay nagmukha pa rin syang bayani. Basahin ang editorial ng Inquirer ngayong araw na ito..

Ewan ko. Pero noon pa man ay wala na ako tiwala kay De Venecia. Pansinin nyo kung paano sya magsalita, kung papaano nya ikumpas ang kanyang mga kamay. Hindi ko talaga sya makakitaan ng sinseridad. Mabuti pa si Mickey Mouse, alam mo kung kelan nagpapatawa at kung kelan malungkot. Wala na yatang hihigit kay De Venecia bilang simbolo ng isang Trapo.

Tuesday, November 04, 2003

Eh, 'di masaya!

Kapag muling naghari ang lumang bangka na siyam na taon ng nasa laot, ano kaya ang masasambit ng reyna ng karagatan? Sagot: "Eh di masaya!"
Pag nagkagayo'y iitim ang karagatan at kalangitan dahil sa pagluluksa ng isang manlalakbay na walang hinangad kundi magkaroon ng katuparan ang kanyang munting pangarap.

Teka lang, may kabuluhan pa ba ang sinusulat ko? Tanging mga pusong nakakaunawa lang siguro ang masusundan kung saan ako nanggagaling...

Sunday, November 02, 2003

Pasasalamat at Pangamba...

Natutuwa ako tuwing may nababasa akong bagong mensahe sa aking guestbook. Salamat sa inyong pagbisita at paglalaan ng oras para mag-iwan ng mensahe.

Ang liit talaga ng mundo. Si Adelina Ermino, na kasalalukuyang nasa London ay naligaw din sa aking website. Taga Gubat Sorsogon din sya, kababayan ng aking dakilang ina! Maliit lang ang bayan ng Gubat, kaya marahil ay kakilala pa nya ang aking Papay Manuel na isang iskulptor. Hindi ko pa nga lang alam kung pano sya naligaw sa aking website. Ganunpaman, maraming salamat sa iyo!

Ganun din kay Tatang Retong ng California, na nag blog pa tungkol sa Apol the Great's Journal. Kaya lang di nya iniwan email address nya at wala naman syang guestbook sa blog nya, di ko tuloy sya mapasalamatan. Sana ay mabasa nya pa ito. Maraming salamat Tatang Retong!

Naging maayos naman ang araw na ito. Maliban nga lang sa nararamdaman ko pa ring pangamba. Paano kung gusto ko pa ring tanganan ang sagwan upang magpatuloy sa pagsagwan subalit unti-unti namang nagpapakita ng senyales ang reyna ng karagatan na hindi ko na mararating ang aking patutunguhan? Paano kung ang lumang bangkang siyam na taon ng nasa laot ay muling maghari sa karagatan? Dapat siguro'y pag-aralan ko ng tanggapin ang aking kapalaran.

Saturday, November 01, 2003

Usapang Lasing?

Nakakapagod ang biyahe kanina mula Batangas, pero mas nakakapagod ang mga gumugulo sa aking isip habang bumibyahe hangang sa makarating na ako ng Maynila. Akala ko kasi ay di ko na ako makakaramdam ng ganung pangamba. Masyado ako nabulag sa ligayang dulot ng matiwasay na paglalakbay sa mag nakalipas na mga araw. Nakalimutan ko tuloy kung saan ako dapat lumugar, mangyari'y akala ko'y wala ng katapusan ang matiwasay na paglalakbay...

Kagabi nagkakwentuhan kami ng aking mga pinsan at tiyuhin. At syempre pa hindi nawala ang usapan tungkol sa pulitika at bibliya! Bagama't magkakasalungat ang maing mga opinyon ay naging maayos naman ang usapan kahit na habang nagkukwentuhan ay may umiikot na kwatro kantos na gin! Nariyan na ang pagdebatehan ang dapat gawin kay Davide; suriin ang magiging kaganapan sa 2004 Election at marami pang iba. Nakakatuwa kasi mayroon kaming iisang opinyon pagating kay GMA - Ang kapal ng mukha at kakandidato pa!