Ano ba 'yan, male-late na kami nyan sa trabaho. Hindi pa ba tayo aalis?
Sandali na lang po, mam.
Sandali? Eh kanina pa tayo dito! Akin na nga ang pamasahe ko at bababa na lang ako!
Sige po
Ang sisiba nyo!
Mag-taxi po kayo kung gusto nyo mabilis! Gumising kayo ng maaga para di kayo ma-late!
Dialog yan sa bus kanina sa may Pasay rotonda sa pagitan ng isang ale na medyo may edad na (at medyo makapal na make up) at ng konduktor ng bus. Kasasakay ko lang sa bus nung nangyari yun, kaya hinid ko alam kung gano na talaga katagal nakatigil yung bus. Halos wala pang sakay kaya naghihintay pa sila ng ibang pasahero.
Normal na ang ganitong eksena sa mga pampasaherong bus. Minsan naman talagang sinisiksik nila ang sakay kaya naman nagrereklamo ang mga pasahero. Parang sardinas daw. Pero may narinig akong magandang paliwanag mula sa isang konduktor dati matapos syang awayin ng isang pasahero-
Misis, kawawa naman po yung iba kung di makakasakay. Nagmamadali rin silang tulad nyo at mapapagalitan kapag na-late sa trabaho. Tulungan na lang po tayo. Pwede po kayong mag-taxi kung gusto nyo ng maluwag.
Napangiti talaga ko sa sinabing ito ng konduktor.
Bihirang-bihira ang konduktor na may ganyang mentalidad. Madami sa kanila ang medyo may kagaspangan, lalo na sa mga ordinary bus (yung walang aircon). Pero ganunpaman, nasa kanila pa rin ang simpatya ko.
Noong nasa college pa kasi ako, meron kaming isang bus company na nilubugan. Noong nagwelga sila, bumisita kami sa piketline at doon ko naunawaan ang kalagayan nila. Pangunahin dito ang maliit na sweldo na halos nakabatay sa maliit na porsyento ng ticket sales. Syempre, mas madaming sakay na pasahero, mas malaking sweldo.
Kaya naman hindi ako nagrereklamo kung medyo sinisiksik nila yung sakay. Isipin na lang sana natin na gusto lang nilang kumita para mabuhay. In the first place, kung ayaw mo ng siksikan, eh di wag ka sumakay! Simple lang naman yun eh. Pero yun nga, may mga taong madaling mag-init ang ulo. Gaya nung ale kaninang umaga na palagay ko ay meron lang kaya masungit. hehe!
No comments:
Post a Comment