Thursday, April 28, 2005

Sa ika-3 taong anibersaryo ng aming kasal

Halos dalawang taon na ang nakalilipas simula nang umpisahan ko ang blog kong ito. Pero kung mapapansin nyo, bihirang-bihira ko mabanggit si Setsu (misis ko) dito. (Naks! Para namang may masugid akong tagasubaybay. hehe!) Pero ngayon, ang enrty na ito ay para sa kanya. At hindi ito katulad ng kwento ko dati na inaasar ko sya gaya nito:
Noong isang gabi, kandung-kandong ni misis si Sophia, habang nanonood kami ng TV. Nanood din ng TV yung yaya ni Pia. Tumayo ako sa harapan nila at pinansin ang mag-ina ko:

Ako: May time na ang taba-taba ng tingin ko sa kanya. Parang ang taba-taba nya ngayon ano?
Setsu: Oo nga.
Ako: Grabe na yung braso nya oh! (sabay hawak sa braso ni Setsu)

Hindi ako mang-aasar ngayon.

Tatlong taon na ang nakalilipas nang ang isang batalyon ng mga Batangueno ay sumugod sa Pangasinan para mamaysanan. Kasal namin ni Setsu, matapos ang halos 7 taong on and off relationship. Opo, tatlong taon na kaming kasal ngayon at awa naman ng Diyos ay hindi nya pa ako isinasauli sa amin. Sana naman ay di dumating yung araw na yun, bagama't may isang libot't isang dahilan sya para gawin yun.

Hindi ako naging mabuting asawa sa kanya. Malimit kaming magtalo sa maraming bagay. Tuwina'y mga kahinaan nya ang aking mga nakikita at naging bulag ako sa aking mga sariling kahinaan. Sinisisi ko sya sa maraming bagay na ang totoo nama'y ako naman minsan ang syang may sala. Dumating pa nga ang time na halos hindi kami mag-usap kaya't sumulat na lang sya sa akin. Isang makabagbag-damdaming-anim-na-pahinang sulat. Tuwing binabasa ko yun ngayon, ipinapaalala nito sa akin na hindi ako naging mabuting asawa.

Noon yun.

Tinuldukan ko na ang paniniwala sa pangako ng isang madayang ilusyon.

Ngayon ay nagsisikap akong maging isang mabuting asawa. Wala akong hangad ngayon kungdi mapaligaya ang aking mag-ina, ang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Bagama't hindi gaanong maginhawa ang aming buhay ngayon, titiyakin ko namang patungo kami doon. Sana.

Kaya Setsu, huwag mo muna akong isauli sa amin kumapit ka lang maigi at marami pa tayong mga along kakaharapin sa paglalakbay natin. Ikaw rin, nag-iisa lang ang kyut na Apolonio sa mundo. hehe!

Happy 3rd wedding anniversary sa atin!

No comments:

Post a Comment